i've known her since i was a kid. katu-katulong sya ng inay sa pagpapalaki sa amin habang nagtatrabaho ang tatay ko sa abroad. sa kanya kami iniiwan ng mother ko kapag umaalis sya para mamalengke or kung may pupuntahan sya. sya ang katuwang ng aking inay sa pagpapalaki sa amin. i used to call her "nanay." sya ang lola ko.
kapag alas sais na ng gabi, makikita mo na syang nakaupo doon sa harap ng tv. mga 2 feet lang ang layo dahil malabo na ang kanyang mata. lahat ng teleserye, telenobela, fantaserye at kung ano-ano pang serye ay sinusubaybayan nya. matutulog lang sya kapag tapos na ang lahat ng palabas na yun.
sa bahay na namin sa
batangas sya nakatira magmula nang yumao ang aking lolo. pero tuwing araw ay pumupunta pa rin sya sa kanyang bahay para linisin ito. ang bahay kung saan noong panahong nag-aaral ako ay naging group study venue nang buo naming magkakaklase noong college. kaya sigurado akong kilala nilang lahat ang lola ko.
paborito nyang panoorin ang wowowee. mahihiga lang sya para matulog sa tanghali kapag tapos na ang wowowee, na kung tawagin nya ay wowee wowee. kahit hindi naman sya ang nananalo, tuwang tuwa syang manood ng pera o bayong. masaya syang makitang may nanalo ng bahay, kotse or isang milyon doon.
alam nya ang birthday ng lahat ng apo nya. nagulat nga ako minsang subukan ko sya. at alam nya ngang lahat, birthday ko, birthday ng mga kapatid ko at lahat ng mga pinsan ko. lahat, alam nya.
tuwing
umaga ng lunes, kapag luluwas na ako ng manila, malimit ay gising na sya kahit alas singko pa lang ng umaga. lagi nyang sabi sa akin, "ingat ka sa byahe." walang liban yun, basta paluwas ako ng manila, sinasabihan nya ako noon.
noong sabado ng
umaga, pag-uwi ko sa bahay sa
batangas, napansin ko, may mga tao sa bahay. andoon ang mga tiyo kong taga lipa. nakahiga ang lola ko sa kama.
ikwinento sa akin ng tatay ang nangyari. nung byernes daw, around 1:00pm, nahulog sya sa hagdanan. galing daw syang cr, nahilo yata ay bigla na lang nahulog doon sa hagdanan. mabuti na lamang at nakita sya kaagad ng tatay. mahina na kasi ang boses at hindi na makasigaw. putok ang ulo. duguan. naampat naman ang pagdurugo at nabigyan ng karampatang gamot. pero mula noon, hindi na sya makabangon. hindi na sya makatayo. idinadaing lagi ay ang masakit na hita nya, gawa na rin nung pagkahulog sa hagdanan. ikinunsulta na rin sa doktor, binigyan lang ng pain reliever, at ipagpahinga na lang daw. hindi na raw kasi pwedeng hilutin dahil matanda na, baka daw lalo lamang lumala.
to the rescue ang mga kamag-anak namin. sunod-sunod ang dalaw noong sabado, linggo at kahapon. may nagdala pa ng adult diaper. dumating din ang pinsan kong caregiver, kung saan sya na ang tumulong para maisaayos ang lola ko, mula sa pagbibihis, pagpapakain at pagpapalit ng diaper. ako, andun lang. nakamasid. wala akong lakas ng loob na hawakan sya, baka kasi mabali ko lang ang mga buto nya. ewan ko, bawat galaw nya kasi, dumadaing sya. masakit daw. masakit.
lumuwas ako ng maynila kahapon, alas kwatro ng hapon. nagpaalam pa ako sa kanya. the usual "ingat ka sa pagmamaneho." dahil alam nyang dala ko yung kotse ko. hindi ko akalain na yun na pala ang huli. pagdating ko sa boarding house, after watching the late night news na saksi, nahiga na ako para matulog. pero alas tres na ng
umaga, gising pa ako. hindi ako makatulog. hindi ko alam kung bakit, pero may kutob na ako, pero ayaw kong paniwalaan ang kutob ko. siguro, alas kwatro na ako nakatulog.
ngayon, pagpasok ko sa office, pagkaupo ko dito sa cubicle ko, nareceive ko ang text ng tatay. "iniwan na tayo ng nanay mo, kanina lang."
......