Thursday, March 16, 2006

visit visa sa dubai

Ito ay forwarded e-mail na natanggap ko kaninang umaga. hindi ko kilala kung sino ang original na nagsulat nito. as usual, kung may sense ang sinasabi at gusto kong ipaabot sa inyo, ipinopost ko na lang dito. ang masasabi ko lang, wag magpaloko sa mga illegal recruiter. ito na po ang nilalaman..
Isa ako sa mga libo libong Pinoy na nagtatrabaho dito sa Dubai. Tama si Kasamang M*ke Ch*nco sa mga sinabi niya tungkol sa sitwasyon ng mga kababayan natin dito, partikular ang mga "Visit Visa". Ayon sa ulat ng pahayagan dito "Gulf News", mahigit isang daang Pinoy Visit Visa holder ang dumarating dito sa Dubai araw araw. Sila yung mga napaniwala at naloko ng mga recruiters at mga kaibigan o di kaya ay mga kamag-anak na makakakuha sila ng trabaho dito sa Dubai ng madalian. Yun ay isang malaking KASINUNGALINGAN. Marami akong nakilala na nasuong sa ganoong sitwasyon. Nagbenta at nagsangla ng ari-arian, umutang ng patubuan dahil pinaasa sila at pinaniwala na ganoon kadali ang lahat. Di nila alam, lalo silang nalubog at nabaon sa utang.

Marami pa rin tayong kababayan ang nasa KISH, parte ng Iran kung saan duon nagtutungo ang mga Visit Visa holder kapag ang 2 months visa nila ay expired na. Marami sa kanila ang umabot na ng ilang buwan doon sa kahihintay na mabigyang muli ng panibagong visa. Madali sana, kaya lang paano kung wala ka nang pangbili ng visa. May mga ilang Pinoy na rin ang nasiraan ng bait at mayroon na ring nagpakamatay dahil sa kabiguang dinanas.

Lubhang napakahirap makakuha ng trabaho dito dahil libo libong Visit Visa holder ang nag-aagawan sa ilang pwestong nakalathala sa mga pahayagan. Hindi lang kasi Pinoy ang kalaban mo, nandiyan ang mga Indians, Chinese, Sri Lankan at marami pang iba. At halos lahat ng employers ay naghahanap ng "Gulf Experience", so ano ng laban mo kung baguhan ka lang dito. "Dubai is not the same Dubai that we used to know", yan ang litanya naming mga Pinoy na matagal na dito. Napakalaki kasi ng pinagbago. Halos imposible ng mabuhay ang pangkaraniwang empleyado, dahil sa taas ng Cost of Living. Lahat ay nagtaas ng presyo, samantalang ang sweldo ay walang pinagbago.

Marami akong kaibigan at kamag-anak ang nais pumunta at sumubok dito, pero lagi kong sinasabi sa kanila kung ano ang tunay na mayroon ang Dubai. Hindi sa ayaw ko silang tulungan, gusto ko lang malaman nila ang totoo. Kaya kayo po diyan na nais o nagbabalak pumunta dito, nasasa-inyo po ang desisyon, ang sa akin po ay paalala lamang.

Tandaan po ninyo, Dubai is a good Tourist destination, not a JOB destination.

Mabuhay po tayong lahat.

yun lang!

2 comments:

Empress Kaiserin said...

can i share to this my friends via e-mail? thanks sa info!

Anonymous said...

marhgil,
kopyahin ko to ha? ipabasa ko dun sa kaanak kong nabiktima rin. alam ko magrereklamo sila at uuwi na rin yung tatlo niyang kasama one of this day. (post ko na rin to sa space ko. okey lang ba? wait ko muna reply mo bago ko hugutin ang text.
thanks in advance.